Biyernes, Nobyembre 28, 2014

Pang-Apat na linggo para sa Ikatlong Markahan

Sa Ika-apat na linggo para sa Ikatlong Markahan,pinag aralan namin ang tungkol sa Parabula at Talinghaga.
Parabula:
Ito ay nag mula sa salitang Griyego na "parabole" na nagsasaad ng dalawang bagay na maaring tao,hayop,lugar o pangyayari.
Talinghaga:
Ay pangungusap,parirala o isang salaysay na may malalim o hindi tuwirang katuturan na kailangang pag-isipang mabuti upang maunawaan.Maaring ibilang sa talinghaga ang tayutay,idyoma at parabula.Ang lahat ng ito ay may kahulugang iba sa kahulugan.
Binasa namin ang parabula tungkol sa Manggagawa sa Ubasan,pagkatapos namin basahin binigyan namin ng literal,simboliko at espiritwal na kahulugan ang mga salitang Ubasan,may-ari,manggagawa,upa at pagtatrabaho sa pamamagitan ng pangkatang gawain.
Nagbigay ng takdang aralin si Gng.Mixto na kung saan maghahanap kame ng tatlong talinghaga na ilalagay sa isang buong papel.Binasa din namen ang talinghaga ng Banga.

Biyernes, Nobyembre 21, 2014

Pag-babalik Aral

Sa Ikatlong linggo namin para sa Ikatlong Markahan,si Gng.Mixto na muli ang aming guro.Muli naming binalikan ang aralin na aming tinalakay noong nakaraang linggo, ito ay tungkol sa Aralin 1 na Paghahambing.Nagbigay siya ng takadang aralin tungkol sa paghahambing sa dalawang magkaibang palabas sa Timog-KanlurangAsya at nagbigay din siya ng gawain ,kung saan gagawa ng pangungusap gamit ang mga salitang nakasulat sa tsart.
Pagkatapos balikan ang paghahambing, pinabuod ni Gng.Mixto ang Rama at Sita.

Linggo, Nobyembre 16, 2014

Pangalawang linggo sa FILIPINO para sa Ikatlong Markahan

Sa linggo ito si Bb.Basbas ang aming guro dalhin wala si Gng.Mixto.Dalhin sa masakit ang lalamunan ni Bb.Basbas si Trixie Usa ang inatasan niya na magturo sa amin.
Martes,tinalakay namin ang dalawang uri ng Pagkukumpara,ito ay ang Magkatulad at Di-magkatulad.
Halimbawa ng mga salitang ginagamit sa Magkatulad na :
mag ka, ka ,kasing,sing,magkasing,magsing.
Halimbawa ng mga salitang gingamit sa Di-magkatulad:
  • Pasahol-lalo,di-gasino at di-gaano
  • Palamang-higit,mas,di-hamak
Bago matapos ang ang oras nag bigay si Bb.Basbas ng pangkatang gawain kung saan mag kukumpara ng dalawang bansa sa Timog Kanluran at ang mga mag-uulat ay ang mga estudyante na ang pangalan ay nagsisimula sa letrang "J".

Martes, Oktubre 21, 2014

Pang-abay na Pamanahon

1. May pananda (nang, sa, noon, kung, kapag, tuwing, buhat, mula, umpisa,
hanggang)
Mga Halimbawa:
a. Kung ngayon na aalis ang mangingisda, tiyak aabutan na siya ng dilim sa
daan.
b. Kailangan niyang mangisda tuwing umaga upang sila’y may maulam.
c. Pagod na bumabalik sa tanghali ang mga kinnaree matapos makapagtampisaw sa lawa.
d. Noong araw na iyon ay naglakbay si Prinsipe Suton papunta sa kagubatan.
e. Kapag araw ng Panarasi, masayang dumadalaw sa kaaya-ayang lawa ang
mga kinnaree.
f. Mula noon ay namuhay nang masaya’t matiwasay sina Prinsipe Suton at
Prinsesa Manorah.
g. Umpisa kahapon hanggang ikapitong araw ay walang pagod niyang nilakbay
ang daan patungo sa kabayanan.
2. Walang pananda (kahapon, kanina, ngayon, mamaya, bukas)
Mga Halimbawa:
a. Kahapon nakipagkita si Prahnbun sa ermitanyo upang humingi ng tulong.
b. Inabutan kanina ng mangingisda ang tagabantay ng tindahan.
c. Ngayon darating ang mga kinnaree sa kagubatan upang magliwaliw.
d. Mamaya na lamang kukunin ng babae ang pasalubong na dala ng kaniyang
asawa.
e. Makikipagkita bukas ng umaga si Prahnbun kay Prinsipe Suton.
3. Nagsasaad ng dalas (araw-araw, tuwing, taon-taon, buwan-buwan)
Mga Halimbawa:
a. Ang mga kinnaree ay araw-araw tumutungo sa lawang nasa loob ng
kagubatan upang magtampisaw.
b. Tuwing umaga, ang magkakapatid na kinnaree ay masayang tinatanaw ang
nagtatayugang mga puno.
c. Pumupunta taon-taon sina Prinsipe Suton at Prinsesa Manorah sa kaharian
ng Bundok Grairat.
d. Lumuluwas buwan-buwan sa kabayanan ang mangingisda upang mamili ng
mga kagamitan.

------* Nakakatulong ang Pang-abay na Pamanaho sa pagsasalaysay ng alamat dahil sa pagsasaad nito kung kailan ginanap,ginaganap o gaganapin ang pangyayari.



Tanka at Haiku

Magkaibang uri ng panulaan ang Tanka at Haiku, bagama't nagsimula ang mga ito sa bansang Hapon. Mayroon itong kaniya-kaniyang katangian ng pagiging magkaiba.
Ang Tanka, isang uri ng tula na maaaring awitin ay  may kabuuang tatlumpu't isang pantig na may limang taludtod. Ang hati ng pantig sa mga taludtod ay 7-7-7-5-5, 5-7-7-7-5 o maaaring magpalit-palit nang nananatili ang kabuuang bilang ng pantig na tatlumpu't isa.
Ang Haiku naman ay higit na maikli sa Tanka. Binubuo ito ng tatlong taludtod na may bilang ng pantig na 5-7-5 o maaaring magkapalit-palit nang di nababago ang kabuuang bilang ng mga pantig na labimpito.
Tungkol sa kalikasan at pag-ibig ang paksa ng Haiku at pagbabago, pag-iisa at pag-ibig naman ang karaniwang paksa ng Tanka.
Tayo naman sa Pilipinas ay may Tanaga, isang uri ng sinaunang tula na nagpapahayag ng kaisipan at binubuo ng apat na taludtod na may tigpipitong pantig sa bawat taludtod, may tugma at puno ng talinghaga. Namalasak ito  noong panahon ng pananakop ng mga Hapones.




Kaligirang Pangkasaysayan ngTanka at Haiku


Sa ilang anyo ng tula, ang Tanka at Haiku ang pinahahalagahan ng panitikang Hapon. Lumaganap ang Tanka noong ikawalong siglo at ang Haiku noong ika-15 siglo. Layunin ng mga tulang ito na pagsama-samahin ang mga ideya at imahe sa pamamagitan ng kakaunting salita lamang.


Ang pinakaunang Tanka ay nasa kalipunan ng mga tula na tinawag na Manyoshu o Collection of Ten Thousand Leaves, isang antolohiya na naglalaman ng iba’t ibang anyo ng tula na karaniwang binibigkas at inaawit ng nakararami. 
Sa panahong lumabas ang Manyoshu, kumawala sa makapangyarihang impluwensiya ng sinaunang panitikang Tsino ang mga manunulat ng Hapon. Ang mga unang makatang Hapon ay sumusulat sa wikang Tsino sapagkat eksklusibo lamang ang wikang Hapon sa pagsasalita at wala pang sistema ng pagsulat. Sa pagitan ng ikalima hanggang ikawalo siglo, isang sistema ng pagsulat ng Hapon ang nilinang na mula sa karakter ng pagsulat sa Tsina upang ilarawan ang tunog ng karakter ng Hapon. Tinawag na Kana ang ponemikong karakter na ito na ang ibig sabihin ay “hiram na mga pangalan”.


Noong panahong nakumpleto na ang Manyoshu, nagsimulang pahalagahan ng mga makatang Hapon ang wika nila sa pamamagitan ng madamdaming pagpapahayag. Kung historikal ang pagbabatayan, ipinahahayag ng mga Hapon na ang Manyoshu ang simula ng panitikan nilang nakasulat na matatawag nilang sariling-sarili nila.



Maiikling awitin ang ibig sabihin ng Tanka na puno ng damdamin. Bawat Tanka ay nagpapahayag ng emosyon o kaisipan. Karaniwang paksa naman ang pagbabago, pag-iisa, o pag-ibig. Tatlumpu’t isa ang tiyak na bilang ng pantig na may limang taludtod ang tradisyunal na Tanka. Tatlo sa mga taludtod ay may tigpitong bilang ng pantig samantalang tiglimang pantig naman ang dalawang taludtod. Nagiging daan ang Tanka upang magpahayag ng damdamin sa isa’t isa ang nagmamahalan (lalaki at babae). Ginagamit din sa paglalaro ng aristocrats ang Tanka, kung saan lilikha ng tatlong taludtod at dudugtungan naman ng ibang tao ng dalawang taludtod upang mabuo ang isang Tanka. Gaya nga nang naipahayag na sa unang bahagi ng tekstong ito, noong ika-15 siglo, isinilang ang bagong anyo ng pagbuo ng tula ng mga Hapon. Ang bagong anyo ng tula ay tinawag na Haiku.



Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas lumaganap nang lubos ang Haiku. Binubuo ng labimpitong pantig na nahahati sa tatlong taludturan. Ang pinakamahalaga sa Haiku ay ang pagbigkas ng taludtod na may wastong antala o paghinto. Kiru ang tawag dito o sa Ingles ay cutting. Ang kiru ay kahawig ng sesura sa ating panulaan. Ang Kireji naman ang salitang paghihintuan o “cutting word”. Ito ay kadalasang matatagpuan sa dulo ng isa sa huling tatlong parirala ng bawat berso. Ang kinalalagyan ng salitang pinaghintuan ay maaaring makapagpahiwatig ng saglit na paghinto sa daloy ng kaisipan upang makapagbigay-daan na mapag-isipan ang kaugnayan ng naunang berso sa sinundang berso.



Maaari rin namang makapagbigay - daan ito sa marangal na pagwawakas. Ang mga salita na ginagamit ay maaaring sagisag ng isang kaisipan. Halimbawa ang salitang kawazu ay “palaka” na nagpapahiwatig ng tagsibol. Ang higure naman ay “unang ulan sa pagsisimula ng taglamig”. Mahalagang maunawaan ng babasa ng Haiku at Tanka ang kultura at paniniwala ng mga Hapon upang lubos na mahalaw ang mensaheng nakapaloob sa tula.


Ponemang Suprasegmental

http://mamsha.tripod.com/imagelib/sitebuilder/layout/spacer.gif
Ponema -  ang pinakamaliit na unit ng  makabuluhang tunog.
0Ang pag-aaral ng ponema ay binubuo ng segmental at
suprasegmental.
Segmental = ay ang tunay na tunog at ang bawat tunog ay
kinakatawanan ng isang titik sa ating alpabato.
Suprasegmental = ay ang pag-aaral ng ng diin (Stress), tono
(tune), haba (lengthening) at hinto
(Juncture).

2 Sa pakikipagtalastasan, matutukoy natin ang kahulugan, layunin o intensyon ng pahayag o ng nagsasalita sa pamamagitan ng mga ponemang suprasegmental o ng mga haba, diin, tono at hintosa pagbibigkas at pagsasalita.

1.       Haba
* ito ay ang pagbigkas nang mahaba sa patinig (a, e, i, o, u ) ng bawat
pantig.
* maaaring gumamit ng simbolong tuldok (. ) para sa pagkilala sa haba.
* mga halimbawa ng  salita:
bu.kas = nangangahulugang susunod na araw
bukas = hindi sarado
2.       Diin
*tumutukoy ito sa lakas ng pagbigkas s isangpantig ng salitng
binibigkas.
*maaring gamitin sa pagkilala ng pantig na may diin ang malaking titik.
*Mga halimbawa ng salita:
BU:hay = kapalaran ng tao
bu:HAY = humihinga pa
LA:mang = natatangi
la:MANG = nakahihigit; nangunguna
3.       Tono
* nagpalilinaw ng mensahe o intensyong nais ipabatid sa kausap
* Tulad ng pag-awit, sa pagsasalita ay may mababa, katamtaman at
mataas na tono.
* maaaring gamitin ang blg. 1 sa mababa, blg. 2 sa katamtaman at blg.
3  sa mataas.
* halimbawa ng salita:
Kahapon = 213, pag-aalinlangan
Kahapon = 231, pagpapatibay
talaga = 213, pag-aalinlangan
talaga = 231, pagpapatibay
4.       Hinto
*ito ay ang saglit na pagtigil sa pagsasalita upang higit na maging
malinaw ang mensahe.
*maaring gumamit ng simbolo kuwit( , ), dalawang guhit na pahilis ( // )
o gitling ( - )
* mga halimbawa ng salita:

Ang Hatol ng Kuneho.


Noong unang panahon, nang ang mga hayop ay nakapagsasalita pa, may isang tigreng naghahanap ng pagkain sa gubat. Sa kaniyang paglilibot, nahulog siya sa napakalalim na hukay. Paulit-ulit na sinubukan ng tigre ang makaahon, subalit siya ay nabigo. Sumigaw siya nang sumigaw upang humingi ng tulong subalit walang nakarinig sa kanya.

Kinabukasan, muling sumigaw ang tigre upang humingi ng tulong hanggang mapaos. Gutom na gutom at hapong-hapo na ang tigre. Lumupasay na lamang siya sa lupa. Naisip niyang ito na ang kaniyang kamatayan. Walang ano-ano ay nakarinig siya ng mga yabag. Nabuhayan siya ng loob at agad tumayo.

“Tulong! Tulong!” muli niyang isinigaw.

“Ah! isang tigre!” sabi ng lalaki habang nakadungaw sa hukay.
“Pakiusap! Tulungan mo akong makalabas dito,” pagmamakaawa ng tigre.

“Kung tutulungan mo ako, hindi kita makalilimutan habambuhay.”

Naawa ang lalaki sa tigre subalit naisip niyang baka kainin siya nito. “Gusto sana kitang tulungan subalit nangangamba ako sa maaaring mangyari. Patawad! Ipagpapatuloy ko na ang aking paglalakbay”, wika ng lalaki at nagpatuloy sa paglalakad.

“Sandali! Sandali! Huwag mong isipin iyan,” pakiusap ng tigre. “Huwag kang mag-alala, pangako ko hindi kita sasaktan. Nagmamakaawa ako, tulungan mo ako. Kapag ako ay nakalabas dito tatanawin kong malaking utang na loob!”

Tila labis na nakakaawa ang tinig ng tigre kaya bumalik ang lalaki upangtulungan ito. Nakahanap siya ng troso at dahan-dahan niyang ibinaba sa hukay. “Gumapang ka dito,” sabi ng lalaki.

Gumapang ang tigre sa troso hanggang makaahon sa hukay. Nakita ng tigre ang lalaking tumulong sa kanya. Naglaway ang tigre at naglakad paikot sa lalaki.

“Sandali!” Hindi ba nangako ka sa akin na hindi mo ako sasaktan? Ito ba ang paraan mo ng pagpapasalamat at pagtanaw ng utang na loob?” sumbat ng lalaki sa tigre.

“Wala na akong pakialam sa pangakong iyan dahil nagugutom ako! Hindi ako kumain nang ilang araw!” tugon ng tigre.

“Sandali! Sandali!” ang pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang puno ng Pino kung tama bang kainin mo ako.”

“Sige,” ang wika ng tigre. “Pero pagkatapos natin siyang tanungin, kakainin na kita. Gutom na gutom na ako.”

Ipinaliwanag ng tigre at ng lalaki sa puno ng Pino ang nangyari.

“Anong alam ng tao sa pagtanaw ng utang na loob?” tanong ng puno ng Pino.

“Bakit ang mga dahon at sanga namin ang kinukuha ninyo upang mapainit ang inyong mga tahanan at maluto ang inyong mga pagkain? Mga taon ang binibilang namin upang lumaki. Kapag kami’y malaki na pinuputol ninyo. Ginagamit ninyo kami sa pagpapatayo ng inyong mga bahay at pagpapagawa ng inyong mga kasangkapan. At isa pa, tao rin ang humukay ng butas na iyan. Utang na loob! Huwag ka nang magdalawang isip, Tigre. Sige pawiin mo ang iyong gutom.”

“O, anong masasabi mo doon?” tanong ng tigre habang nananakam at nginungusuan ang lalaki.

Sa mga sandaling iyon ay dumaan ang isang baka. “Hintay! Hintay!” pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang baka sa kaniyang hatol.”

Sumang-ayon ang tigre at ipinaliwanag nila sa baka ang nangyari. Hiniling ng dalawa ang opinyon ng baka.

“Sa ganang akin, walang duda sa kung ano ang dapat gawin,” wika ng baka sa tigre. “Dapat mo siyang kainin! Tingnan mo, mula nang kami ay maisilangnnaglilingkod na kami sa mga tao. Kaming mga baka ang nagbubuhat ng mabibigat nilang dalahin. Inaararo namin ang bukid upang makapagtanim sila. Subalit, ano ang ginagawa nila kapag kami ay tumanda na... pinapatay kami at ginagawang pagkain! Ginagamit nila ang aming balat sa paggawa ng kung ano-anong bagay. Kaya huwag mo na akong tanungin tungkol sa pagtanaw ng utang na loob. Kainin mo na ang taong iyan.”

“Tingnan mo, lahat sila ay sumasang-ayon sa akin. Kaya humanda ka na sa iyong kamatayan!” wika ng tigre habang bumubuwelo upang sakmalin ang lalaki.

Alam na ng lalaki na ito na nga ang kaniyang katapusan. Nang biglang dumating ang lumulukso-luksong kuneho.

“Sandali! Tigre! Sandali!” sigaw ng lalaki.

“Ano na naman!” singhal ng tigre.

“Pakiusap, bigyan mo pa ako ng huling pagkakataon.Tanungin natin ang kuneho para sa kaniyang hatol kung dapat mo ba akong kainin.”

“Ah! Walang kuwenta! Alam mong ang sagot niya. Pareho lang sa sagot ng puno ng Pino at ng baka.”

“Pakiusap, parang awa mo na!” pagsusumamo ng lalaki.

“O sige, pero huli na ito. Gutom na gutom na ako!” sagot ng tigre.

Isinalaysay ng tigre at ng lalaki ang nangyari. Matamang nakinig ang kuneho. Ipinikit ang kaniyang mga mata at pinagalaw ang kaniyang mahahabang tainga. Pagkalipas ng ilang sandali, muli niyang idinilat ang kaniyang mga mata. Malumanay at walang ligoy na nagsalita ang kuneho. “Naiintindihan ko ang inyong isinalaysay. Subalit kung ako ang magpapasya at magbibigay ng mahusay na hatol dapat tayong magtungo sa hukay. Muli ninyong isasalaysay sa akin ang nangyari. Ituro ninyo sa akin ang daan patungo doon,” wika ng kuneho.

Itinuro ng tigre at ng lalaki ang hukay sa kuneho. “Tingnan natin, sabi mo nahulog ka sa hukay at ikaw naman ay nakatayo dito sa itaas”, wika ng kuneho sa tigre at sa lalaki. “Pumunta kayo sa mga posisyon ninyo noon, upang mapag-isipan ko pang mabuti ang aking hatol.”

Tumalon agad ang tigre nang hindi nag-iisip. Ang nais lamang niya ay matapos agad ang usapan nang makain na niya ang tao. “Ah! ganito ang kalagayan ninyo noon. Ikaw, tigre ay nahulog sa hukay at hindi makaahon. Ikaw naman lalaki, narinig mo ang paghingi ng saklolo kaya tinulungan mo ang tigre. Ngayon maaari na akong magbigay ng aking hatol. Ang problemang ito ay nagsimula nang tulungan ng tao ang tigreng makalabas sa hukay”, paliwanag ng kuneho na tila may ibang kausap. “Sa ibang salita, kung ang tao ay hindi nagpakita ng kabutihan at iniwan ang tigre sa hukay, walang naging problema. Kaya naisip ko na magpatuloy ang tao sa kaniyang paglalakbay at dapat na manatili ang tigre sa hukay. Magandang umaga sa inyong dalawa!” wika ng matalinong kuneho at nagpatuloy sa kaniyang paglukso.









Kaligirang Pangkasaysayan ng Pabula sa Korea

Ang mga hayop ay hindi lamang mga nilikhang gumagala sa kapatagan at kabundukan. Ang mga ito ay may simbolong ugnayan sa bansa at sa mga mamamayan nito. Sa Korea, mahalaga ang ginampanan ng mga hayop sa kanilang mitolohiya at kuwentong bayan.
Ayon sa kanilang paniniwala, noong unang panahon daw ay may isang tigre at oso na nagnais maging tao. Nang bumaba sa lupa ang kanilang diyos na si Hwanin ( diyos ng kalangitan) ay humiling ang isang tigre at isang oso na maging tao. Ang sabi ni Hwanin ay magkulong sa kuweba ang dalawa sa loob ng 100 araw. Dahil sa marubdob na pagnanasang maging tao ay sumunod sa ipinag-uutos ang dalawa. Pagkalipas lamang ng ilang araw ay agad ding lumabas ang tigre subalit nanatili sa loob ng kuweba ang oso. Pagkalipas ng 100 araw ay may isang napakagandang babae ang lumabas ng kuweba. Ang babae ay natuwa sa kaniyang itsura at kinausap muli si Hwanin . Nagpasalamat siya sa
diyos at muling humiling na sana ay magkaroon siya ng anak. Pinababa sa lupa ng diyos ang kaniyang anak na si Hwanung ( anak ng diyos ng kalangitan) at ipinakasal sa babae. Sila’y nagkaanak at pinangalanang Dangun. Si Dangun ay naging hari. Pinaniniwalaang dito nagsimula ang pagkakaroon ng simbolong hayop ang iba’t ibang dynasty sa Korea.Ano ang pabula?

Lalong napatanyag ang mga ganitong kuwento sa Gresya. Si Aesop ang tinaguriang “Ama ng mga Sinaunang Pabula” dahil sa napabantog niyang aklat, ang Aesop’s Fable.
Ang pabula ay isang maikling kuwentong kathang-isip lamang. Karaniwang isinasalaysay sa mga kabataan para aliwin gayundin ang magbigay ng pangaral. Ang mga tauhan ng kuwento ay pawang mga hayop. Mga hayop na kumakatawan o sumasagisag sa mga katangian o pag-uugali ng tao. Ang ahas halimbawa ay karaniwan nang nangangahulugan ng isang taong taksil. Ang pagong, makupad. Ang kalabaw, matiyaga. Ang palaka, mayabang. Ang unggoy o matsing, isang tuso.
Ang aso, matapat. Marami pang hayop ang may ibang pagpapakahulugan. Sa mga bagay naman, ang rosas ay kumakatawan sa babae at sa pag-ibig. Ang bubuyog sa isang mapaglarong manliligaw.
Itinuturo ng pabula ang tama, patas, makatarungan at makataong ugali at pakikitungo sa ating kapwa. Ang mga pabula ay lumaganap dahil sa magagandang aral sa buhay na ibinibigay nito.


Ang pabula ay isa sa mga sinaunang panitikan sa daigdig. Noong ikalima at ikaanim na siglo bago si Kristo, may itinuring nang pabula ang mga taga-India. Ang karaniwang paksa ng mga pabula ay tungkol sa buhay ng itinuturing na dakilang tao ng mga sinaunang Hindu, si Kasyapa.






Nagkamali ng Utos

Sa malayong kaharian ng mga tutubi ay may naninirahang isang prinsesang tutubi. Siya’y bugtong na anak nina Haring Tubino at Reyna Tubina ng kahariang Matutubina. Mahal na mahal ng hari at reyna ang anak nila. Sinasabing ipaglalaban ng buong kaharian ang anumang kaapihan ni Prinsesa Tutubi.
Si Prinsesa Tutubi ay mahilig mamasyal at magpalipad-lipad sa papawirin. Lagi niyang kasa-kasama ang kaniyang mga piling dama at mga tagasubaybay na mangyari pa ay pawang tutubi rin.
Isang araw, naisipan niyang lumipad patungo sa labas ng kaharian. Ibig niyang alamin kung ano ang daigdig sa labas ng kanilang kaharian. Tumakas siya sa kaniyang mga dama at tagasubaybay. Mag-isa niyang nilakbay ang malawak na papawirin.
Maligayang-maligaya si Prinsesa Tutubi. Umaawit-awit pa siya sa kaniyang paglipad. Wiling-wili siya sa lahat ng kaniyang nakikita. Totoong naibang si Prinsesa Tutubi at hindi niya napansin ang pamumuo ng maitim na ulap sa papawirin.
Huli na nang ito ay mapuna ni Prinsesa Tutubi. Mabilis man siyang lumipad pabalik sa kaharian ay inabutan din siya ng malakas na ulan.
“Titigil muna ako sa punongkahoy na ito,” ang sabi sa sarili ng prinsesa.
Ngunit sa punongkahoy pala naman iyon ay maraming mga matsing. Pinaalis nilang pilit ang nakikisilong na tutubi. Bawat dapuang sanga ni Prinsesa Tutubi ay niyuyugyog ng mga matsing. Hindi lamang iyon. Pinagtawanan pa nila ang prinsesa.
“Kra-kra-kra! Nakakatawa. Malaki pa sa kaniyang tuhod ang kaniyang mga mata.” Malakas na na sabi ng isa. Sinundan ito ng malakas na hagikgikan ng mga matsing.
Sa laki ng galit ng Prinsesa Tutubi umuulan pa ay umalis na siya sa punongkahoy na iyon at lumipad pauwi sa palasyo. Tuloy-tuloy siya sa silid ng kaniyang amang hari. Kaniyang isinumbong kay Haring Tubino ang mga matsing. Laking galit ng hari. Nagpatawag agad ang hari ng kawal.
“Pumunta ka ngayon din sa kaharian ng mga matsing,” ang utos niya sa kawal. “Sabihin mong dahil sa ginawa nila sa aking anak na Prinsesa, gusto kong hamunin ang kaharian ng mga matsing sa isang labanan.”
Mabilis na lumipad ang inatasang kawal. Pagdapo niya sa kaharian ng mga mating ay walang paligoy-ligoy niyang sinabi ang kaniyang pakay. Malakas na tawanan ng mga matsing ang nagging sagot sa pahayag ng kawal na tutubi.
“Mga tutubi laban sa mga matsing! Ha-ha-ha-ha!” Muling nagtawanan ang mga matsing. “Nakakatawa , ngunit pagbibigyan naming anginyong hari,” ang sabi ng pinuno. “Ang mga mating laban sa mga tutubi!” Nagtawang muli ang mga matsing.
“Kailan at saan gaganapin ang labanan?” ang tanong ng pinuno.
“Bukas ng umaga sa gitna ng parang!” ang tugon ng kawal.
“Magaling! Bukas ng umaga sa gitna ng parang kung gayon,” masiglang pag-ulit ng matsing sa sinabi ng tutubi.
Bumalik sa kanilang kaharian ang kawal a tutubi at ibinalita sa Haring Tubino ang nagging katugunan ng mga matsing.
Kinabukasan naroroon na sa isang panig ng parang ang hukbo ng mga matsing. Anong daming matsing. Waring ang buong kamatsingan ay naroroon at pawing sandatahan. Bawat isa ay may dalang putol na kahoy na pamukpok.
Nasa kabilang panig naman ng parang ang makapal na hukbo ng mga manlilipad na tutubi.
“Kailangang pukpukin ninyo ang bawat makitang tutubi,” ang malakas na utos ng haring matsing.
Sa kabilang dako naman ay ibinigay na rin ng pinuno ng mga tutubi ang kaniyang utos. “Dapat nating ipaghiganti ang kaapihan ni Prinsesa Tutubi.
Kailangang magbayad ang mga matsing. “Dumapo sa ulo ng mga matsing. Kapag may panganib ay dagling luang malinaw at marahan niyang utos.
Nagsalubong sa gitna ng parang ang mga manlilipad na tutubat ang hukbo ng sandatahang matsing. Buong-buo ang pagtitiwala ng mga sandatahang matsing sa kanilang sandatang pamukpok. Matapang din naming sumunod ang mga kawal na tutubi palibhasa ay nais nilang ipaghiganti ang kaapihan ng prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.
Nagsimula ang labanan. Dapo at lipad, dapo at lipad ang mga tutubi. Pukpok dito, pukpok doon naman ang mga matsing. Kung tatanawin buhat sa malayo ang labanan, ay wari bang matsing laban sa matsing. Nakita ng pinuno ng mga matsing ang pangyayari. Nagkamali siya ng utos. Hindi nalaman agad na sa ulo pala ng kaniyang mga kawal darapo ang maliliksing tutubi. Babaguhin sana niya ang kanyang utos, subalit huli na ang lahat. Isang kawal na matsing ang pilit na pinukpok pa ang tutubi sa ulo ng pinunong matsing. Kayat nang matapos ang labanan nakabulagtang lahat ang mga matsing. Samantala, walang sinumang tinamaan sa mga mabilis umiwas at lumipad na mga tutubi. Naipaghiganti nila ang pagkaapi ng kanilang prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.







Sutil na Palaka

Noong unang panahon, may isang berdeng palaka na naninirahan sa isang lawa kasama ang inang palaka na isang biyuda.

May pagkasutil ang berdeng palaka. Hindi niya sinusunod ang mga pangaral ng ina. Kapag may sinabi ang inang palaka, kabaligtaran ang ginagawa ng berdeng palaka. Kapag sinabi ng ina na sa bundok siya maglaro, sa sapa naman siya maglalaro. Kapag sinabi ng ina na umakyat, bababa naman siya. Kapag sinabi ng ina na sa kanan, sa kaliwa siya pupunta.

Lubhang nababahala ang Inang Palaka sa pagiging sutil ng berdeng palaka. Lagi na lamang kahihiyan ang ibinibigay ng berdeng palaka sa ina.

“Bakit hindi siya tumulad sa ibang batang palaka na magalang at masunurin” Himutok ng Inang Palaka.

“Ano na ang mangyayari sa kaniya kapag ako’y nawala na? Matanda na ako at ano mang oras ay maaari akong mamatay? Kailangang gumawa ako ng paraan upang maputol na ang pagiging sutil niya,” sunod-sunod na nausal ng ina sa sarili.

Araw-araw ay pinangangaralan ng Inang Palaka ang berdeng palaka tungkol sa kabutihang-asal subalit patuloy na binabale-wala ng berdeng palaka ang pangaral ng Inang Palaka. Nagpatuloy pa rin ang berdeng palaka sa pagiging sutil.

Hanggang sa dumating ang panahon na naramdaman ng Inang Palaka na siya’y mamamatay na. Tinawag niya sa kaniyang tabi ang berdeng palaka at kinausap ito ng masinsinan. Ibig ng Inang Palaka na mailibing siya nang maayos sa bundok. At dahil sa alam niya ang ugali ng berdeng palaka na kabaligtaran ng kaniyang bilin ang gagawin nito, pinili ng Inang Palaka ang mga salitang gagamitin niya sa pagkausap dito. Hindi niya sinabi sa berdeng palaka ang totoong nais niyang mangyari. Sa halip, iniba niya ang bilin sa berdeng palaka.

“Kapag namatay na ako, ilibinga mo ako sa sapa, huwag mo akong iibing sa bundok,” sunod-sunod na bilin ng ina sa berdeng palaka.

Nakikinig nang buong kapanglawan ang berdeng palaka sa ina habang ito’y nakayuko.

“Ipinangangako ko ina, gagawin ko ang bilin mo.” Paniniyak ng berdeng palaka sa ina.

Pagkaraan ng apat na araw namatay ang Inang Palaka. Ganoon na lamang ang pagsisisi ng berdeng palaka. Alam niya na siya ang dahilan ng maagang kamatayan ng ina.

“Patawad ina, patawad! Dahil sa pagiging suwail ko, lagi ka na lang nagdaramdam sa akin kaya ka nagkasakit at maagang namatay,” paninisi ng berdeng palaka sa sarili.

“Susundin ko ina ang bilin mo sa akin na ilibing ka sa pampang ng ilog,” wika ng berdeng palaka.

At kahit alam ng berdeng palaka na hindi tama na ilibing sa pampang ng ilog ang ina dahil sa mabilis at malakas ang alon, baka maanod ang libingan ng ina at dahil sa ito ang bilin, inilibing niya sa pampang ang namatay naina. Kapag malakas ang ulan, binabantayan niya ang libinga ng ina. Nagdarasal siya ng taimtim na nawa’y huwag lumaki ang alon baka matangay nito ang libingan ng ina.

Subalit, tulad nang dapat asahan, dumating ang ulang habagat at tumaas at lumaki ang alon, naanod ang libingan ng Inang Palaka.

Ganoon na lamang ang hagulgol ng berdeng palaka. Naupo ito sa ilalim ng malakas na ulan at doon nagpatuloy sa walang humpay na pag-iyak dahil sa nangyari sa libingan ng ina.

Ito ang dahilan, ayon sa marami kung bakit tuwing umuulan, umiiyak ang berdeng palaka.


Modal

Ang modal ay salitang malapandiwa na ginagamit sa pagpapahayag ng kagustuhan, posibilidad, kakayahan, pahintulot at obligasyon. Mga halimabawa nito ang: maari, puwede, gusto, ibig, nais, dapat, kailangan at hangad. Ang anyo ng modal ay hindi nababago dahil wala itong aspekto. Dalawang Gamit Nito1. Bilang malapandiwa o salitang kahawig ng pandiwa sa mga pangungusap na walang totoong pandiwa.Hal. Gusto ko ang damit mo.                           Hangad ko ang iyong tahumpay.Tandaan: Walang totoong pandiwa ang mga pangungusap na ito. Ang mga modal na gusto,hangad at kailangan ang nagpapahiwatig ng pandiwa.2. Bilang panuring o pantulong sa pandiwa na may anyong pawatas.Hal. Gusto niyang makaalis sa hukay.        Ibig ng kuneho na magbigay ng makatarungang desisyon. Mga Uri ng Modal1. Nagsasaad ng kagustuhan (pagnanasa, paghahangad, pagkagusto ng higit kaysa iba)a. “Gusto kong maakyat ang bunganga ng hukay,” wika ng tigre.b. “Ibig mong maialis kita diyan sa malalim na hukay,” sigaw ng lalaki sa tigre.2. Nagsasaad ng kakayahan o posibilidad      a. Puwede silang dumating mamaya.      b. Maaari mo itong tapusin mamayang gabi.3. Nagsasaad ng obligasyon (sapilitang pagtupad, hinihingin mangyari)      a. Dapat sundin ang Saligang-Batas.      b. Kailangan mag-aral kang mabuti.     



Pagsulat ng Pabula

      

Ang mga sumusunod ay mga hakbang na dapat gawin upang makasulat ng magandang pabula.


1. Pumili ng moral o mahalagang kaisipan
Ang layunin ng pabula ay upang maghatid ng aral o mahahalagang kaisipan o mensahe sa mga mambabasa lalong-lalo na sa mga kabataan upang hindi sila maligaw ng landas.

2. Lumikha ng tauhan
Bagamat hayop ang tauhan ng pabula mahalagang ang mga ito ay maging kapani-paniwala o makatotohanan. Ilarawan ang katauhan ayon sa pisikal na anyo, katangian/kahinaan, hilig at mga mithiin.

3. Iaayos ang banghay
Mahalagang maging maayos ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari upang mailahad kung paano nagsimula ang suliranin o tunggalian sa pagitan ng mga tauhan at kung paano ito nilutas ng mga tauhan patungo sa wakas.

4. Ilahad ang naging wakas
Ilahad ang naging wakas ng pabula sa paraang hindi bigla. Magbigay ng mga pahiwatig sa magiging wakas ng pabula sa pamamagitan ng paglalahad ng

kung paano nabigyang solusyon ang naging suliranin ng mga tauhan.


Lunes, Setyembre 29, 2014

Salamat aking Guro


Pag naririnig mo na ang yabag ng kanyang mga paa hindi mo alam kung mag tatago ka o mahihimatay ka.
pag nagturo ay parang isang eksperto at sobrang strikto.
At kung magalit at uminit ang ulo tila isang bulkang nag-aalburoto,bumabay na naloko at lider ng sundalo na mag-papasimula ng World War 3 sa buong mundo.
Pero sa likod ng mga ito isang angel ang nag-tatago.Siya ay isang guro na tila isang kong barakada,kapitbahay,matalik na kaibigan,kapatid,pero higit sa lahat siya isang magulang kung magmahal.
Nais kong magaling tulad niya hindi dahil sikat siya sa buong paaralan o dahil kinakatakutan siya ng lahat,ito ay dahil sa isang dahilan siya ay isang gurong mapag-mahal.
kaya Maligayang araw ng mga Guro sa pinaka-mamahal kong guro na si Sir.Fernando Timbal.

                                                 


Linggo, Agosto 3, 2014

ALAMAT NI PRINSESA MANORAH


  Alamat ni Prinsesa Manorah
(Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)

Isang alamat na pasalin-salin sa iba’t ibang panahon at henerasyon mula noong panahon ng Ayutthaya at nagbigay-inspirasyon kay Haring Rama V ng Thailand.
Si Kinnaree Manorah ay isang prinsesa ng alamat ng Thai at ang pinakabata sa pitong anak na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang Jantakinnaree. Siya ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang pitong kinnaree ay kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at nagagawang itago ang kanikanilang pakpak kung kanilang nanaisin.
Sa loob ng kahariang Krairat (Grairat), nakatago ang kagubatan ng Himmapan kung saan din namamahay ang mga nakatatakot na nilalang na hindi kilala sa daigdig ng mga tao.
Sa loob ng kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-ayang lawa kung saan ang pitongkinnaree ay masayang dumadalaw lalo na sa araw ng Panarasi (kalakihan ng buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang ermitanyo na nagsasagawa ng kaniyang meditasyon.
Isang araw, napadako ang isang binata habang naglalakbay sa kagubatan ng Himmapan. Siya ay si Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na masayang nagtatampisaw sa ilog. Namangha siya sa nakabibighaning kagandahan ni Prinsesa Manorah. Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin niya ito kay Prinsipe Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng Udon Panjah. Tiyak na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa prinsesa. Ngunit naitanong niya sa sarili kung paano niya ito mahuhuli.
Alam ni Prahnbun na may ermitanyong nakatira sa malapit ng kagubatan. Pinuntahan niya ito upang magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi sa kaniya ng ermitanyo na napakahirap ang manghuli ng kinnaree dahil agad-agad itong lumilipad kapag tinatakot. Ngunit naisip ng ermitanyo na may isang dragon na nakatira sa pinakasulok-sulukan ng kagubatan na maaaring makatulong sa kanila. Nagpasalamat ang binata sa ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang hanapin ang dragon.
Hindi natuwa ang dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun, ngunit napapayag din itong bigyan niya si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na siyang panghuhuli niya sa Prinsesa Manorah. Nagpasalamat ang binata at patakbong umalis na dala-dala ang makapangyarihang lubid at patagong tinungo ang ilog kung saan naglalaro ang mga kinnaree.
Habang abala sa paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni Prahnbun ang lubid at matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganun na lamang ang pagkaawa ng ibang mga kapatid ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa kundi agad-agad na lumipad dahil sa takot na sila rin ay paghuhulihin.
Itinali nang mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah upang hindi makawala at tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at maibigay kay Prinsipe Suton na noo’y naglalakbay rin sakay sa kabayo papunta sa kagubatan. Nakasalubong niya si Prahnbun dala-dala si Prinsesa Manorah. Agad-agad na naakit sa kagandahan ni Prinsesa Manorah ang prinsipe.
Nang isalaysay ni Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan kung bakit niya hinuli at dinala ang prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang prinsipe at binayaran siya nito ng napakalaking halaga.
Nagbalik ang prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si Prinsesa Manorah kung saan umusbong ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Nang sabihin ng prinsipe sa kaniyang inang prinsesa at amang hari ang buong pangyayari, masayang-masaya sila at agad-agad nagbalak na magsagawa ng kasal para kina Prinsipe Suton at Prisesa Manorah.
Bumalik sila sa palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa ang kasal at tuluyang namuhay nang masaya’t matiwasay habambuhay.


ELEHIYA PARA KAY RAM

                                                     ELEHIYA PARA KAY RAM

                                                            ni Pat V. Villafuerte

Kung ang kamatayan ay isang mahabang paglalakbay
Di mo na kailangang humakbang pa
Sapagkat simula't simula pa'y pinatay ka na
Ng matitigas na batong naraanan mo
Habang nakamasid lamang
Ang mga batang lansangang nakasama mo
Nang maraming taon.
Silang nangakalahad ang mga kamay
Silang may tangang kahon ng kendi't sigarilyo
Silang may inaamoy na rugby sa madilim na pasilyo.

Sa pagitan ng maraming paghakbang at pagtakbo
Bunga ng maraming huwag at bawal dito
Sa mga oras na nais mong itanong sa Diyos
Ang maraming bakit at paano
Ay nanatili kang mapagkumbaba at tanggaping ikaw'y tao
At tanggapin ang uri ng buhay na kinagisnan mo.
Buhay na hindi mo pinili dahil wala kang mapipili.
Buhay na di mo matanggihan dahil nasa mga palad mo
Ang pagsang-ayon, ang pagtango at pagtanggap
Bilang bagong ama ng lima mong nakababatang kapatid.

Ay, kaylamig ng sementadong mga baytang
Ng gusali ng finance at turismo
Habang pinatnubayan ka ng bilog na buwan
At nagkikislapang mga bituin sa pagtulog mo.
At bukas, at susunod na mga bukas, tulad ng maraming bukas
Iyon at iyon din ang araw na sasalubong sa iyo.
Nakangiti ngunit may pait
Mainit ngunit may hapdi
May kulay ngunit mapusyaw
Paulit-ulit, pabalik-balik
Pabalik-balik, paulit-ulit
Ang siklo ng buhay na kinasadlakan mo.

At isang imbensyon ang iyong nalikha
Kayraming sa iyo ay lubusang humanga.
Mula sa teoryang laba-kusot-banlaw-kula-banat,
Napapaputi mo ang nag-iisang polong puti
Sa tulong ng mga dahon.
Napapaunat mo ang nag-isiang polong puti
Sa ibabaw ng mga halaman.
Napapabango mo ang nag-iisang polong puti
Sa patak ng alcohol.
Laba-kusot-banlaw-kula-banat.
Laba-kusot-banlaw-kula-banat.
Laba-kusot-banlaw-kula-banat.

At habang hinahanap mo ang nawawala mong ama
Upang may mahingan ka ng pambili ng libro
O magsabit ng mga medalya sa dibdib mo
Kayrami naming naging ama-amahan mo.
Habang ang iyong ina'y nag-aalok ng kendi't sigarilyo
Upang may maiapabaon sa iyo
Kayrami naming naging ina-inahan mo.
Habang namimighati ka sa harap ng kapatid mong
Pinaslang sa Aristocrat,
Kayrami naming naging kuya-kuyahan mo.
Habang naghahanap ka ng mga taong kakaibiganin
Upang magbahagi ng iyong karanasan
Kayrami naming naging kaibigan mo.
Sa PNU sumibol ang mga bagong ate mo.
Sa PNU nalikha ang mga bagong kuya mo.
Sa PNU nabuo ang bagong pamilya mo.

Ay, ang uniporme pala'y napapuputi ng mga dahon
At napauunat ng mga halaman;
Ay, ang kalam ng sikmura pala'y napabubusog
Ng pagtakam at pag-idlip;
Ay, ang pagbabasa pala'y may hatid-tulong mula sa poste ng Meralco
Habang nakatayo ka't tangan ang libro;
Ay, ang sakit pala'y napagagaling
Ng magdamag na paglimot;
Ay, ang paliligo pala't paggamit ng banyo
Ay may katumbas na piso;
Ay, ang pangungulila pala'y nahahawi
Ng pag-awit at pagsulat.
Umaawit ka't sumusulat Sumusulat
ka't umaawit.
Habang ang titik na nalilikha'y
Walang himig ng harana
Walang tinig ng kundiman
Walang indayog ng oyayi.

At ang mundo mo'y nabago ng pag-ikot Ikot
pakaliwa, ikot pakanan
Ikot paitaas, ikot paibaba
Ikot papaloob, ikot papalabas
Pangalan mo'y parang bulaklak na humahalimuyak
Simbango ng pabango mong iwiniwisik
Sa katawan mong walang pilat
Binabanggit-banggit saan mang lugar
Sinasambit-sambit ng mga guro't mag-aaral.
Ilang bituin s alangit ang hinangad mong sungkutin
Ilang saranggola sa ulap ang ninais mong maangkin
Kung ang mga bituin sana'y di nagkulang ng kinang at ningning
Sana, kahit kometa'y ilalatag ko't sa mga palad mo'y aking ihahain
Kung ang saranggola sana'y di dinagit ng hangin
Sana guryon itong sabay nating bubuuin.

Ay, wala na.
Tuluyan nang naglaho ang kinang at ningning ng mga bituin.
Tuluyan nang humalik sa lupa ang saranggolang dinagit ng hangin.
Sa paglalakbay mo,
Ang naiwan sa amin ay isang blangkong papel
Di naming matuldukan upang mapasimulan ang isang pagguhit.
Di naming maguhitan upang maitala ang maraming katanungan.
Di namain matanong upang hingan nang kalinawan.
Sana, sa paglalakbay mo'y makahuli ka ng mga sisiw
Sana, sa paglalakbay mo'y may matanggal na piring
Sana, sa paglalakbay mo ay may timbangan kang maaangkin.

At kapag natupad ito
Kaming mga nakasama mo
Kaming mga nagmahal sa iyo
Ay lilikha ng bagong himno ng paglalakbay
Isang himnong ang mga titik ay kalinisan ng puso
Isang himnong may himig ng pananagumpay
Dahil para sa amin,
Ikaw ang himno
May puso kang malinis
Kaya't dito sa lupa'y ganap kang nagtagumpay.
Sa kabilang buhay, ikaw pa rin ang magtatagumpay.


KULTURA:PAMANA ng NAkAAN,REGALO NG KASALUKUYAN,AT BUHAY NG KINABUKASAN

KULTURA: Ang Pamana ng Nakaraan, Regalo ng Kasalukuyan, at Buhay ng Kinabukasan ni Pat V. Villafuerte
NOON, ang bawat paghakbang ay isang pagtalunton,
isang pagtahak sa matuwid na landas upang marating ang paroroonan
gaano man ito kalapit, gaano man ito kalayo
gaano man ito kakitid, gaano man ito kalawak
kaunti man o marami ang mga paang humahakbang
mabagal man o mabilis, pahintu-hinto man o tuloy-tuloy
ang bawat paghakbang ay may patutunguhan.
ang bawat paghakbang ay may mararating.
ang bawat paghakbang ay may pagsasakatuparan.

hindi na mabilang ang paghakbang na naganap sa ating kasaysayan
paghakbang na pinuhunanan ng pawis, dugo at luha
paghakbang na kinamulatan ng maraming pagsubok,
pangamba at panganib
mula pa sa panahon ng kawalang-malay
hanggang sa panahon ng walang humpay na pananakop,
digmaan at kasarinlan
at hanggang sa kontemporaryong panahon ng makinasyon
sumibol ang kayraming kulturang sinangkutsa sa ating diwa’t kamalayan
kulturang may ritmo ng pag-awit, may kislot ng pagsayaw,
may haplos ng pag-aalay, may lambing ng panunuyo
at tangis ng pamamaalam.
ito ang ating tinalunton, ito ang bunga ng ating paghakbang:
ang kulturang ipinamana sa atin ng nakaraan.

NGAYON, sa panahon ng pagkamulat at maraming pagbabago,
binhing nakatanim ang maraming kulturang
nag-uumapaw sa ating diwa
nagbabanyos sa ating damdamin
nag-aakyat sa ating kaluluwa
sinubok ng maraming taon
inalay sa mga bagong sibol ng panahon
anumang kulay, anumang lahi, anumang edad, anumang kasarian
ang kultura’y pinayayabong
nang may halong sigla at tuwa,
nang may kasalong pagsubok at paghamon
kulturang sinusuyod ng kapuri-puring ugali at marangal na kilos
kulturang inihahain ng pagsamba’t prusisyon
kulturang sinasalamin ang pasko’t pistang-bayan
kulturang pinaaawit ng pasyon at pagsasabuhay ng Poon
kulturang patuloy na sumisibol at ipinapupunla ng tradisyon:
pampamilya, pang-eskuwela, pampolitika, panrehiyon at pambansa
na dinilig ng maraming pagpapaalala, paggabay at patnubay
at pinayaman ng makukulay na karanasan
kulturang inihain at tinanggap, sinunod at isinakatuparan
ito ang regalo ng kultura
regalo ng kasalukuyan.

BUKAS, ang kulturang itinudla ng nakaraan
at inireregalo ng kasalukuyan ay bubuhayin ng kinabukasan
at mananatiling repleksyon ng kabutihan
kulturang gagalang sa mga bata’t matanda
kulturang rerespeto sa mga babae’t may kapasanan
kulturang luluklok ng pagbabayanihan at pagkakapatiran
kasaliw ng mga awiting bayan at katutubong sayaw
katali ng pagsasadula’t pagbabalagtasan
diwang marangal ang ipupunla. kariringgan ng maraming wika
magkakapantay sa kalayaan at karapatan
magsasama-sama, magkakapit-bisig, magtutulung-tulungan
habang patuloy na humahakbang upang galugarin pa
ang kulturang pagyayamanin ng ating lahi
ng lahing magiting
ng lahing kapuri-puri
ng lahing marangal.