KULTURA: Ang Pamana ng
Nakaraan, Regalo ng Kasalukuyan, at Buhay ng Kinabukasan ni Pat V. Villafuerte
NOON, ang bawat
paghakbang ay isang pagtalunton,
isang pagtahak sa
matuwid na landas upang marating ang paroroonan
gaano man ito kalapit,
gaano man ito kalayo
gaano man ito kakitid,
gaano man ito kalawak
kaunti man o marami
ang mga paang humahakbang
mabagal man o mabilis,
pahintu-hinto man o tuloy-tuloy
ang bawat paghakbang
ay may patutunguhan.
ang bawat paghakbang
ay may mararating.
ang bawat paghakbang
ay may pagsasakatuparan.
hindi na mabilang ang
paghakbang na naganap sa ating kasaysayan
paghakbang na
pinuhunanan ng pawis, dugo at luha
paghakbang na
kinamulatan ng maraming pagsubok,
pangamba at panganib
mula pa sa panahon ng
kawalang-malay
hanggang sa panahon ng
walang humpay na pananakop,
digmaan at kasarinlan
at hanggang sa
kontemporaryong panahon ng makinasyon
sumibol ang kayraming
kulturang sinangkutsa sa ating diwa’t kamalayan
kulturang may ritmo ng
pag-awit, may kislot ng pagsayaw,
may haplos ng
pag-aalay, may lambing ng panunuyo
at tangis ng
pamamaalam.
ito ang ating
tinalunton, ito ang bunga ng ating paghakbang:
ang kulturang
ipinamana sa atin ng nakaraan.
NGAYON, sa panahon ng
pagkamulat at maraming pagbabago,
binhing nakatanim ang
maraming kulturang
nag-uumapaw sa ating
diwa
nagbabanyos sa ating
damdamin
nag-aakyat sa ating
kaluluwa
sinubok ng maraming
taon
inalay sa mga bagong
sibol ng panahon
anumang kulay, anumang
lahi, anumang edad, anumang kasarian
ang kultura’y
pinayayabong
nang may halong sigla
at tuwa,
nang may kasalong
pagsubok at paghamon
kulturang sinusuyod ng
kapuri-puring ugali at marangal na kilos
kulturang inihahain ng
pagsamba’t prusisyon
kulturang sinasalamin
ang pasko’t pistang-bayan
kulturang pinaaawit ng
pasyon at pagsasabuhay ng Poon
kulturang patuloy na
sumisibol at ipinapupunla ng tradisyon:
pampamilya,
pang-eskuwela, pampolitika, panrehiyon at pambansa
na dinilig ng maraming
pagpapaalala, paggabay at patnubay
at pinayaman ng
makukulay na karanasan
kulturang inihain at
tinanggap, sinunod at isinakatuparan
ito ang regalo ng
kultura
regalo ng kasalukuyan.
BUKAS, ang kulturang
itinudla ng nakaraan
at inireregalo ng
kasalukuyan ay bubuhayin ng kinabukasan
at mananatiling
repleksyon ng kabutihan
kulturang gagalang sa
mga bata’t matanda
kulturang rerespeto sa
mga babae’t may kapasanan
kulturang luluklok ng
pagbabayanihan at pagkakapatiran
kasaliw ng mga awiting
bayan at katutubong sayaw
katali ng
pagsasadula’t pagbabalagtasan
diwang marangal ang
ipupunla. kariringgan ng maraming wika
magkakapantay sa
kalayaan at karapatan
magsasama-sama,
magkakapit-bisig, magtutulung-tulungan
habang patuloy na
humahakbang upang galugarin pa
ang kulturang
pagyayamanin ng ating lahi
ng lahing magiting
ng lahing kapuri-puri
ng lahing marangal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento