Linggo, Agosto 3, 2014

ALAMAT NI PRINSESA MANORAH


  Alamat ni Prinsesa Manorah
(Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)

Isang alamat na pasalin-salin sa iba’t ibang panahon at henerasyon mula noong panahon ng Ayutthaya at nagbigay-inspirasyon kay Haring Rama V ng Thailand.
Si Kinnaree Manorah ay isang prinsesa ng alamat ng Thai at ang pinakabata sa pitong anak na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang Jantakinnaree. Siya ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang pitong kinnaree ay kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at nagagawang itago ang kanikanilang pakpak kung kanilang nanaisin.
Sa loob ng kahariang Krairat (Grairat), nakatago ang kagubatan ng Himmapan kung saan din namamahay ang mga nakatatakot na nilalang na hindi kilala sa daigdig ng mga tao.
Sa loob ng kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-ayang lawa kung saan ang pitongkinnaree ay masayang dumadalaw lalo na sa araw ng Panarasi (kalakihan ng buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang ermitanyo na nagsasagawa ng kaniyang meditasyon.
Isang araw, napadako ang isang binata habang naglalakbay sa kagubatan ng Himmapan. Siya ay si Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na masayang nagtatampisaw sa ilog. Namangha siya sa nakabibighaning kagandahan ni Prinsesa Manorah. Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin niya ito kay Prinsipe Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng Udon Panjah. Tiyak na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa prinsesa. Ngunit naitanong niya sa sarili kung paano niya ito mahuhuli.
Alam ni Prahnbun na may ermitanyong nakatira sa malapit ng kagubatan. Pinuntahan niya ito upang magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi sa kaniya ng ermitanyo na napakahirap ang manghuli ng kinnaree dahil agad-agad itong lumilipad kapag tinatakot. Ngunit naisip ng ermitanyo na may isang dragon na nakatira sa pinakasulok-sulukan ng kagubatan na maaaring makatulong sa kanila. Nagpasalamat ang binata sa ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang hanapin ang dragon.
Hindi natuwa ang dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun, ngunit napapayag din itong bigyan niya si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na siyang panghuhuli niya sa Prinsesa Manorah. Nagpasalamat ang binata at patakbong umalis na dala-dala ang makapangyarihang lubid at patagong tinungo ang ilog kung saan naglalaro ang mga kinnaree.
Habang abala sa paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni Prahnbun ang lubid at matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganun na lamang ang pagkaawa ng ibang mga kapatid ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa kundi agad-agad na lumipad dahil sa takot na sila rin ay paghuhulihin.
Itinali nang mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah upang hindi makawala at tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at maibigay kay Prinsipe Suton na noo’y naglalakbay rin sakay sa kabayo papunta sa kagubatan. Nakasalubong niya si Prahnbun dala-dala si Prinsesa Manorah. Agad-agad na naakit sa kagandahan ni Prinsesa Manorah ang prinsipe.
Nang isalaysay ni Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan kung bakit niya hinuli at dinala ang prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang prinsipe at binayaran siya nito ng napakalaking halaga.
Nagbalik ang prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si Prinsesa Manorah kung saan umusbong ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Nang sabihin ng prinsipe sa kaniyang inang prinsesa at amang hari ang buong pangyayari, masayang-masaya sila at agad-agad nagbalak na magsagawa ng kasal para kina Prinsipe Suton at Prisesa Manorah.
Bumalik sila sa palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa ang kasal at tuluyang namuhay nang masaya’t matiwasay habambuhay.


ELEHIYA PARA KAY RAM

                                                     ELEHIYA PARA KAY RAM

                                                            ni Pat V. Villafuerte

Kung ang kamatayan ay isang mahabang paglalakbay
Di mo na kailangang humakbang pa
Sapagkat simula't simula pa'y pinatay ka na
Ng matitigas na batong naraanan mo
Habang nakamasid lamang
Ang mga batang lansangang nakasama mo
Nang maraming taon.
Silang nangakalahad ang mga kamay
Silang may tangang kahon ng kendi't sigarilyo
Silang may inaamoy na rugby sa madilim na pasilyo.

Sa pagitan ng maraming paghakbang at pagtakbo
Bunga ng maraming huwag at bawal dito
Sa mga oras na nais mong itanong sa Diyos
Ang maraming bakit at paano
Ay nanatili kang mapagkumbaba at tanggaping ikaw'y tao
At tanggapin ang uri ng buhay na kinagisnan mo.
Buhay na hindi mo pinili dahil wala kang mapipili.
Buhay na di mo matanggihan dahil nasa mga palad mo
Ang pagsang-ayon, ang pagtango at pagtanggap
Bilang bagong ama ng lima mong nakababatang kapatid.

Ay, kaylamig ng sementadong mga baytang
Ng gusali ng finance at turismo
Habang pinatnubayan ka ng bilog na buwan
At nagkikislapang mga bituin sa pagtulog mo.
At bukas, at susunod na mga bukas, tulad ng maraming bukas
Iyon at iyon din ang araw na sasalubong sa iyo.
Nakangiti ngunit may pait
Mainit ngunit may hapdi
May kulay ngunit mapusyaw
Paulit-ulit, pabalik-balik
Pabalik-balik, paulit-ulit
Ang siklo ng buhay na kinasadlakan mo.

At isang imbensyon ang iyong nalikha
Kayraming sa iyo ay lubusang humanga.
Mula sa teoryang laba-kusot-banlaw-kula-banat,
Napapaputi mo ang nag-iisang polong puti
Sa tulong ng mga dahon.
Napapaunat mo ang nag-isiang polong puti
Sa ibabaw ng mga halaman.
Napapabango mo ang nag-iisang polong puti
Sa patak ng alcohol.
Laba-kusot-banlaw-kula-banat.
Laba-kusot-banlaw-kula-banat.
Laba-kusot-banlaw-kula-banat.

At habang hinahanap mo ang nawawala mong ama
Upang may mahingan ka ng pambili ng libro
O magsabit ng mga medalya sa dibdib mo
Kayrami naming naging ama-amahan mo.
Habang ang iyong ina'y nag-aalok ng kendi't sigarilyo
Upang may maiapabaon sa iyo
Kayrami naming naging ina-inahan mo.
Habang namimighati ka sa harap ng kapatid mong
Pinaslang sa Aristocrat,
Kayrami naming naging kuya-kuyahan mo.
Habang naghahanap ka ng mga taong kakaibiganin
Upang magbahagi ng iyong karanasan
Kayrami naming naging kaibigan mo.
Sa PNU sumibol ang mga bagong ate mo.
Sa PNU nalikha ang mga bagong kuya mo.
Sa PNU nabuo ang bagong pamilya mo.

Ay, ang uniporme pala'y napapuputi ng mga dahon
At napauunat ng mga halaman;
Ay, ang kalam ng sikmura pala'y napabubusog
Ng pagtakam at pag-idlip;
Ay, ang pagbabasa pala'y may hatid-tulong mula sa poste ng Meralco
Habang nakatayo ka't tangan ang libro;
Ay, ang sakit pala'y napagagaling
Ng magdamag na paglimot;
Ay, ang paliligo pala't paggamit ng banyo
Ay may katumbas na piso;
Ay, ang pangungulila pala'y nahahawi
Ng pag-awit at pagsulat.
Umaawit ka't sumusulat Sumusulat
ka't umaawit.
Habang ang titik na nalilikha'y
Walang himig ng harana
Walang tinig ng kundiman
Walang indayog ng oyayi.

At ang mundo mo'y nabago ng pag-ikot Ikot
pakaliwa, ikot pakanan
Ikot paitaas, ikot paibaba
Ikot papaloob, ikot papalabas
Pangalan mo'y parang bulaklak na humahalimuyak
Simbango ng pabango mong iwiniwisik
Sa katawan mong walang pilat
Binabanggit-banggit saan mang lugar
Sinasambit-sambit ng mga guro't mag-aaral.
Ilang bituin s alangit ang hinangad mong sungkutin
Ilang saranggola sa ulap ang ninais mong maangkin
Kung ang mga bituin sana'y di nagkulang ng kinang at ningning
Sana, kahit kometa'y ilalatag ko't sa mga palad mo'y aking ihahain
Kung ang saranggola sana'y di dinagit ng hangin
Sana guryon itong sabay nating bubuuin.

Ay, wala na.
Tuluyan nang naglaho ang kinang at ningning ng mga bituin.
Tuluyan nang humalik sa lupa ang saranggolang dinagit ng hangin.
Sa paglalakbay mo,
Ang naiwan sa amin ay isang blangkong papel
Di naming matuldukan upang mapasimulan ang isang pagguhit.
Di naming maguhitan upang maitala ang maraming katanungan.
Di namain matanong upang hingan nang kalinawan.
Sana, sa paglalakbay mo'y makahuli ka ng mga sisiw
Sana, sa paglalakbay mo'y may matanggal na piring
Sana, sa paglalakbay mo ay may timbangan kang maaangkin.

At kapag natupad ito
Kaming mga nakasama mo
Kaming mga nagmahal sa iyo
Ay lilikha ng bagong himno ng paglalakbay
Isang himnong ang mga titik ay kalinisan ng puso
Isang himnong may himig ng pananagumpay
Dahil para sa amin,
Ikaw ang himno
May puso kang malinis
Kaya't dito sa lupa'y ganap kang nagtagumpay.
Sa kabilang buhay, ikaw pa rin ang magtatagumpay.


KULTURA:PAMANA ng NAkAAN,REGALO NG KASALUKUYAN,AT BUHAY NG KINABUKASAN

KULTURA: Ang Pamana ng Nakaraan, Regalo ng Kasalukuyan, at Buhay ng Kinabukasan ni Pat V. Villafuerte
NOON, ang bawat paghakbang ay isang pagtalunton,
isang pagtahak sa matuwid na landas upang marating ang paroroonan
gaano man ito kalapit, gaano man ito kalayo
gaano man ito kakitid, gaano man ito kalawak
kaunti man o marami ang mga paang humahakbang
mabagal man o mabilis, pahintu-hinto man o tuloy-tuloy
ang bawat paghakbang ay may patutunguhan.
ang bawat paghakbang ay may mararating.
ang bawat paghakbang ay may pagsasakatuparan.

hindi na mabilang ang paghakbang na naganap sa ating kasaysayan
paghakbang na pinuhunanan ng pawis, dugo at luha
paghakbang na kinamulatan ng maraming pagsubok,
pangamba at panganib
mula pa sa panahon ng kawalang-malay
hanggang sa panahon ng walang humpay na pananakop,
digmaan at kasarinlan
at hanggang sa kontemporaryong panahon ng makinasyon
sumibol ang kayraming kulturang sinangkutsa sa ating diwa’t kamalayan
kulturang may ritmo ng pag-awit, may kislot ng pagsayaw,
may haplos ng pag-aalay, may lambing ng panunuyo
at tangis ng pamamaalam.
ito ang ating tinalunton, ito ang bunga ng ating paghakbang:
ang kulturang ipinamana sa atin ng nakaraan.

NGAYON, sa panahon ng pagkamulat at maraming pagbabago,
binhing nakatanim ang maraming kulturang
nag-uumapaw sa ating diwa
nagbabanyos sa ating damdamin
nag-aakyat sa ating kaluluwa
sinubok ng maraming taon
inalay sa mga bagong sibol ng panahon
anumang kulay, anumang lahi, anumang edad, anumang kasarian
ang kultura’y pinayayabong
nang may halong sigla at tuwa,
nang may kasalong pagsubok at paghamon
kulturang sinusuyod ng kapuri-puring ugali at marangal na kilos
kulturang inihahain ng pagsamba’t prusisyon
kulturang sinasalamin ang pasko’t pistang-bayan
kulturang pinaaawit ng pasyon at pagsasabuhay ng Poon
kulturang patuloy na sumisibol at ipinapupunla ng tradisyon:
pampamilya, pang-eskuwela, pampolitika, panrehiyon at pambansa
na dinilig ng maraming pagpapaalala, paggabay at patnubay
at pinayaman ng makukulay na karanasan
kulturang inihain at tinanggap, sinunod at isinakatuparan
ito ang regalo ng kultura
regalo ng kasalukuyan.

BUKAS, ang kulturang itinudla ng nakaraan
at inireregalo ng kasalukuyan ay bubuhayin ng kinabukasan
at mananatiling repleksyon ng kabutihan
kulturang gagalang sa mga bata’t matanda
kulturang rerespeto sa mga babae’t may kapasanan
kulturang luluklok ng pagbabayanihan at pagkakapatiran
kasaliw ng mga awiting bayan at katutubong sayaw
katali ng pagsasadula’t pagbabalagtasan
diwang marangal ang ipupunla. kariringgan ng maraming wika
magkakapantay sa kalayaan at karapatan
magsasama-sama, magkakapit-bisig, magtutulung-tulungan
habang patuloy na humahakbang upang galugarin pa
ang kulturang pagyayamanin ng ating lahi
ng lahing magiting
ng lahing kapuri-puri
ng lahing marangal.

Sitti Nurha liza:Ginintuang Tinig at puso ng asya

Sitti Nurhaliza: Ginintuang Tinig at Puso ng Asya
                                 Jan Henry M. Choa Jr.
Isa sa pinakamahusay na mang-aawit sa Asya si Sitti Nurhaliza mula sa bansang Malaysia. Nagkamit siya ng iba’t ibang parangal sa pag-awit hindi lamang sa kaniyang bansa kundi maging sa pang-internasyunal na patimpalak. Isa na rito ang titulong “Voice of Asia” nang makamit niya ang Grand Prix Champion mula sa Voice of Asia Singing Contest na ginanap sa Almaty, Kazakhstan. Labing-anim na taong gulang siya nang pumasok sa larangan ng pag-awit. Dahil sa likas na talento sa pag-awit, narating niya ang rurok ng tagumpay bilang multiple-platinum selling artists sa Malaysia. Sinundan ito ng mga di-mabilang na pagkilala mula sa mga prestihiyosong gawad-parangal tulad ng MTV Asia, Channel V, Anugerah Juara Lagu Malaysia. Hindi lamang sa pag-awit nakilala si Sitti. Siya rin ay isang manunulat ng awit, record producer, presenter o modelo at mangangalakal. Sa katunayan, siya ay nagmamay-ari ng produktong Ctea, isang tsaa sa Malaysia. Mayroon din siyang sariling production companySitti Nurhaliza Production na nasa larangan ng entertainment. Siya rin ay itinuturing na isa sa pinakamaimpluwensyang tao at pinakamayamang artista sa Malaysia.. Sa kabila ng pagiging sikat at mayaman ay hindi nalilimutan ni Sitti Nurhaliza ang magkawanggawa. Nakikibahagi at nakikiisa siya sa maraming gawaing-kawanggawa sa loob at labas ng Malaysia. Ito ay isa sa maganda niyang katangian. Marunong siyang tumulong sa kaniyang kapuwa bilang pagbabalik-biyaya sa kaniyang mga tinatamasa. Tunay na ipinagmamalaki si Sitti Nurhaliz ang kaniyang mga kababayan bilang Asyano na may sadyang husay sa pagkanta at may natatanging kontribusyon sa larangan ng musika. Ang kaniyang magandang tinig at mabuting kalooban bilang isang babaeng Muslim na mang-aawit ay isa lamang sa mga katangiang nagugustuhan ng kaniyang mga tagatangkilik. Isang idolo na may ginintuang tinig at ginintuang puso ng Asya.